Linggo, Oktubre 16, 2011

Pagninilay sa Ebanghelyo

Ika-29 na Linggo ng Taon (A)
Oktubre 16, 2011
Mga Pagbasa: Is 45:1.4-6 / 1 Tes 1:1-5 / Mt 22:15-21

Unang Pagbasa 
Isaias 45: 1-6 

Hinirang ni Yahweh si Ciro

1 Ito ang ipinahayag ni Yahweh kay Ciro,
ang pinunong kanyang pinili, upang sakupin ang mga bansa
at alisan ng kapangyarihan ang mga hari.
Ibubukas ko ang mga pintuang-lunsod para sa kanya habang siya'y pumapasok.
2 "Ako ang maghahanda ng iyong daraanan,
mga bundok doo'y aking papatagin.
At sa mga lunsod, mga pintong tanso'y aking wawasakin;
pati kandadong bakal ay aking tatanggalin.
3 Ibibigay ko sa iyo ang nakatagong mga kayamanan at alahas;
sa gayon, malalaman mong ako si Yahweh,
ang Diyos ng Israel, ang siyang tumawag sa iyo.
4 Tinawag kita sa iyong pangalan,
alang-alang sa aking lingkod na si Israel na aking hinirang.
Binigyan kita ng malaking karangalan,
kahit hindi mo ako nakikilala.
5 Ako si Yahweh, ako lamang ang Diyos at wala nang iba;
palalakasin kita, kahit hindi mo ako nakikilala.
6 Ginawa ko ito upang ako ay makilala
mula sa silangan hanggang kanluran,
at makilala nila na ako si Yahweh,
ako lamang ang Diyos at wala nang iba. 

Salmo                                         
Awit 96: 1-10 

Diyos ang Kataas-taasang Hari

1 Purihin natin si Yahweh, awitan ng bagong awit;
purihin natin si Yahweh, lahat nang nasa daigdig!
2 Awitan natin si Yahweh, ngalan niya ay sambahin;
araw-araw ang ginawang pagliligtas ay banggitin.
3 Kahit saa'y ipahayag na si Yahweh ay dakila,
sa madla ay ipahayag ang dakila niyang gawa.
4 Si Yahweh ay tunay na dakila, marapat na papurihan
higit sa sinumang diyos, siya'y dapat na igalang.
5 Ang diyos ng sanlibuta'y pawang mga diyus-diyosan;
si Yahweh lang ang maylikha ng buong sangkalangitan.
6 Siya'y puspos ng karangalan at ng kaluwalhatian;
ang lakas niya't kagandahan ay sa templo mamamasdan.
7 O si Yahweh ay purihin ng lahat sa daigdigan!
Purihin ang lakas niya at kanyang kaluwalhatian!
8 Ang pagpuri ay iukol sa pangalan niyang banal,
dumulog sa kanyang templo't maghandog ng mga alay.
9 Kung si Yahweh ay dumating, sa likas niyang kabanalan,
humarap na nanginginig ang lahat sa sanlibutan.
10 "Si Yahweh ay siyang hari," sa daigdig ay sabihin,
"Sanlibuta'y matatag na, kahit ito ay ugain;
sa paghatol sa nilikha, lahat pantay sa paningin."

Pangalawang Pagbasa                  
1 Tesalonica 1: 1-5 

               1 Mula kina Pablo, Silas, at Timoteo---
               Para sa iglesya sa Tesalonica, ang mga hinirang ng Diyos Ama at ng Panginoong Jesu-Cristo.
               Sumainyo nawa ang pagpapala at kapayapaan ng Diyos.
Ang Pamumuhay at Pananampalataya ng mga Taga-Tesalonica
               2 Lagi kaming nagpapasalamat sa Diyos dahil sa inyo at tuwina'y kasama kayo sa aming mga dalangin. 3 Binabanggit namin sa harapan ng ating Diyos at Ama ang inyong mga gawaing bunga ng inyong pananampalataya, ang inyong mga pagpapagal dahil sa inyong pag-ibig, at ang inyong pagtitiis dahil sa inyong pag-asa sa ating Panginoong Jesu-Cristo. 4 Mga kapatid, nalalaman namin na kayo'y pinili ng Diyos na nagmamahal sa inyo. 5 Ang Magandang Balitang lubos naming pinaniniwalaan ay ipinahayag namin sa inyo hindi lamang sa pamamagitan ng salita, kundi sa pamamagitan din ng kapangyarihan ng Espiritu Santo. Nakita ninyo kung paano kami namuhay sa inyong piling; ito ay ginawa namin alang-alang sa inyo.

Ebanghelyo (Gospel)                      

Mateo 22: 15-21

Ang Pagbabayad ng Buwis
               15 Umalis ang mga Pariseo at nag-usap-usap kung paano nila mahuhuli si Jesus sa kanyang pananalita. 16 Kaya pinapunta nila kay Jesus ang ilan sa kanilang mga alagad kasama nang ilang tagasunod ni Herodes. Sinabi ng mga sugo, "Guro, nalalaman naming kayo'y tapat at itinuturo ninyo nang buong katotohanan ang ibig ng Diyos na gawin ng mga tao. Wala kayong itinatangi sapagkat pareho ang pagtingin ninyo sa mga tao. 17 Ano po ang palagay ninyo? Naaayon ba sa Kautusan na magbayad ng buwis sa Emperador, o hindi?"
               18 Alam ni Jesus ang kanilang masamang layunin kaya't sinabi niya, "Kayong mga mapagkunwari! Bakit nais ninyo akong hulihin? 19 Ipakita ninyo sa akin ang isang salaping pambuwis."
               At ipinakita nga nila ang isang salaping pilak. 20 "Kaninong larawan at pangalan ang nakaukit diyan?" tanong ni Jesus.
               21 "Sa Emperador po," tugon nila.
               Kaya't sinabi niya sa kanila, "Kung gayon, ibigay ninyo sa Emperador ang para sa kanya, at sa Diyos ang para sa Diyos."

Pagninilay sa mga Pagbasa

Sala-salabat at sanga-sanga ngayon ang hanay ng ating mga pagpapahalaga. Daan-daang milyon ang tumangis sa pagpanaw ni Steve Jobs. Daan-daang milyon ang masasabi nating tunay na humanga sa kakayahan at kontribusyon niya sa larangan ng teknolohiya.
Kasama ako sa maraming taong ito. Sa katunayan, ang aking mga paskil sa wordpress na ito ay nagagawa ko sa tulong ng mga bagay na bahagi na ng mundo ng teknolohiyang posmoderno na kinabibilangan natin lahat ngayon, tulad ng MacBook atbp.
Nguni’t sa higit na malalim na pagtingin sa mga bagay-bagay, isang tabak na doble ang talim ang lahat ng makabagong pamamaraang ito sa telekomunikasyon. Libo-libo ang mga “friends” sa facebook ng mga kabataan ngayon. Bulto-bultong oras ang ginugugol para manatiling “online” at makasalamuha ang mga “friends” subali’t malayo ang kalooban sa lahat ng mga ito. Panay ang “post” ng “status,” pero walang kaamor-amor o kaugnayan sa mga kasambahay. Alam ng buong mundo ng “twitter” kung ano ang kanyang kinain sa tanghalian, pero walang may alam sa pamilya kung ano ang tunay niyang niloloob at nararamdaman. Konektado sa lahat sa cyberspace, ngunit wala ni isang hibla ng kaugnayan sa mga buhay at tunay na taong kahulubilo sa tahanan!
Maraming “subscription” at mga sinusundang mga “likes” o “secret groups” sa facebook, nguni’t walang sinasanto at sinasamba liban sa mga diyus-diyusang ito ng cyberspace.
Kay raming diyus-diyusan … walang sinasaniban. Kay raming mga samahan o “yahoogroups” o “chat rooms” subali’t walang pinaniniwalaan.
Ito ang daigdig ng postmodernismo … maski ano, puede. “no matter what they tell us; no matter what they do … no matter what they teach us … what I believe is true!” Ito ang mantra ng mga kabataan ngayon … ako at ako lamang ang nararapat magpasya, wala nang iba pa. Nasa akin ang kapangyarihan at kakayahan upang ituring ang isang bagay bilang tama o mali … wala nang dapat makialam pa.
Ito rin ang mundong sa araw na ito ay pinagmumuni ng mga pagbasa, at pinagbubulay ng Panginoon. Wala siyang karibal. Wala siyang kapantay. Wala siyang katulad, at lalung walang katalo kung ang pag-uusapan ay ang kanyang pagka-Diyos!
Minsan uli tayong pinaaalalahanan ng Diyos: “Ako ang Panginoon, ako lamang ang Diyos at wala nang iba!”
Walang masama ang humanga kay Steve Jobs at marami pang ibang nagdulot ng matinding kagalakan at kaginhawahan sa mundo. Ako man ay humanga nang lubos sa kanya. Subali’t kailangan rin natin alalahanin na ang makataong paghanga ay hindi dapat mauwi sa pagluluklok sa kanila bilang mga diyus-diyusan ng ating buhay. Hindi dapat mauwi na, sa buong araw na ginawa ng Diyos, ay mas marami pang oras ang ginugugol natin sa altar ng kompyuter kaysa sa altar ng panalangin at pagmumuni-muni.
Marami na ngayong iba-ibang uri ng diyus-diyosan sa buhay natin. At ang karamihan ng mga ito ay dulot, hatid, at lako ng internet. Ano ang bunga? … mga batang walang inatupag kundi cyber games, tulad ng angry birds, atbp. … mga kabataang walang malamam gawin kundi ipangalandakan ang kanilang kinain, ang kanilang sama ng loob sa isang taong walang kinalaman ang daan-daang taong makababasa ng mga posting … mga kabalbalang ginagawa ng marami, at mga larawang hindi man karapat-dapat ipakita sa cyberspace.
Payo sa atin ni San Pablo … na paggugulan ng panahon ang mga “gawang bunga ng pananampalataya,” mga udyok ng pag-ibig,” at “ang matibay na pag-asa sa Panginoong Jesucristo.” (Ikalawang pagbasa).
Marami ang humanga sa mga payo ni Steve Jobs tulad ng pagsunod sa tinig na nasa kalooban, ang pagkakaroon ng pananampalataya sa sarili, ang pagsunod sa dikta ng sariling puso, at iba pa … Ang lahat ng ito ay tila isang secular na pag-asa … isang pag-asang walang tinutukoy na sinuman … isang pag-asang hindi nakatuon sa persona ng Diyos na nagpakilala ng sarili sa daigdig … isang pag-asang walang inuuwi at hinahantungan liban sa makamundong kaginhawahan at katiwasayan.
Oras na upang mamili tayo at ihanay ang mga pagpapahalaga nang wasto at tama. Sa ebanghelyo, malinaw ang turo ng Panginoon. May tungkulin tayo, aniya, kay Cesar, at may higit na tungkulin sa Diyos. Hindi Diyos si Cesar … hindi tunay ang mga diyus-diyosan na naglipana sa cyberspace, at sa mundo ng komersyo. Hindi diyos ang ating mga gadgets, ang mga iPod at iPad at mga netbooks at tablets at smartphones, upang paggugulan ng buong araw at buong gabi, at buong kamalayan.
Iisa ang Diyos … Siya lamang at wala nang iba. At sa Kanyang karangalan, handa nating pag-ukulan ng pansin ang mga ito: “ang gawang bunga ng pananampalataya, ang mga pagpapagal na udyok ng pag-ibig, at ang matibay na pag-asa sa Panginoong Jesucristo.”



Karagdagan

Sa Ebanghelyo ninanais ng mga Pariseo na subukin at hulihin si Hesus sa kanyang mga sasabihin, sa pagtatanong nila nang tungkol sa kanilang buwis. Ngunit alam ni Hesus ang hangarin ng mga Pariseo kaya’t tinugon Niya ito sa pamamagitan din ng isang tanong kung kaninong larawan ang nasa salaping kanilang ginagamit. Sa pagtugon ng mga Pariseo na ang larawan na nasa salapi ay ang sa Emperador nilinaw ni Hesus na ang tunay na nagmamay-ari ng mga salapi ay ang Emperador kaya’t mabuting ibalik ito sa tunay na nagmamay-ari at sinabi din ni Hesus, ibigay ang para sa Emperador at ibigay naman sa Diyos ang para sa Diyos.

Sa Ebanghelyo, isang salita ang bigyan natin ng diin, ang salitang larawan. Ito ang itinanong ni Hesus upang mabigyan linaw ang pagmamay-ari ng salapi at pagbabayad ng buwis. Nang kanilang kapanahunan ang salapi ay isang napakahalagang bagay sa kanilang buhay na kung titignan natin ay katulad din ng sa ngayon, na kailangan din natin itong paghirapan. Ngunit alam nating lahat na sa langit ay hindi natin ito madadala at mananatili ang mga ito dito sa lupa, dahil ito at ginawa dito sa lupa. Ang mga tao ang gumawa nito kaya’t larawan ng mga tao ang makikita sa ating mga salapi.

Tayo bilang mga nilikha ng Diyos ay hinubog niya sa kanyang sariling larawan. Isang matibay na patunay na tayong lahat na kanyang nilikha ay makikita ang larawan ng Niya. At dahil larawan Niya tayong lahat, tayong lahat ay pag-aari Niya. Ibig sabihin kailangan nating ibigay ang sa kanya. Magbalik loob tayo sa Diyos.

Ang ating puso, diwa at kaluluwa, buong pagkatao ay pag-aari Niya, at kailangan nating ialay ng taos puso sa Kanya ng buong buo at walang kulang. Tayo bilang mga kalarawan Niya, kailangan nating pakatandaan, bilang Kanyang mga nilikha ay kailangan maging kanais nais sa Kanya. Ito ang ating dapat subaybayan sa pang –araw araw nating pagtahak dito sa lupa.

Kalarawan ako ng Diyos, ako’y pag-aari Niya.
Ako’y para sa Kanya at babalik sa Kanya.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento